Lunes, Enero 25, 2016

Puwang

Nung sinabi mo sa akin na mahal mo ako. Nanlambot ang bawat kirot na tinatagong sakit ng aking puso.Tila baga'y nawala lahat ng tanong, tila lahat ng problema nasolusyunan, tila lahat ng bagay mayroon ng katuturan.

Ngunit nung sinabi mong mahal mo ako, nagkaroon ng bagong puwang sa puso.Puwang na umaasa na maramdaman ko ang sinabi mo.

Lumipas ang mga araw, may oras ng ngiti, oras ng kilig at oras ng kasiyahang di ko noon pa nadarama.

Ngunit, sa pagdaan ng araw, tila baga'y ang iyong "mahal kita" ay tumitigil lamang sa "mahal lang kita".Tila ito'y mga salita lamang na binigkas mo upang masabi sa iyong sariling nagmamahal ka. Ngunit nagmamahal ka nga ba?

Hindi ba't ang pagmamahal ay may kasamang pagtanggap sa sakit, sa hapdi? Hindi ba't kasama sa bawat kasiyahan, sa kilig, sa saya, sa yakap ay baon nito ang sakripisyo? Bawat Oras, bawat sandaling ginugugol mo sa kanya ay tila sakripisyo sa oras na dapat may ginagawa kang iba?

Hindi ba't kapag nagmamahal ka, sumusugal ka para lamang mapanatag ang kalooban niya na minamahal mo talaga siya? Hindi ba't kapag nagmamahal ka, pinaparamdam mong mahal mo siya. Hindi ba't Kapag nagmahal ka nagbibigay ka? Ngunit, nagbibigay ka nga ba?

Ang puwang na nadagdag dito sa puso ko ay napuno. Hindi ng pagmamahal mo kundi ng mga tanong. Mga tanong kung ito nga ba ay totoo.

Dahil kapag nagmahal ka, itong puwang ng mga tanong, nung una pa lang ay wala na sana.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento